Ihip ng hangin
Isang bagay ang totoo: andito lang tayo. At kailangan nila tayo—kung hindi ng ibang tao, ng lawa
TIRIK ang araw at umaalingawngaw na naman ang init ng semento sa nilalakaran ni Dodong. Ang kayumangging kulay niya ay tila mas lumalim pa sa ilang taong pagkakabilad. Ang mukha niya’y tila inunahan ang edad, at ang mga talampakan nag-anyong biyak na lupang naninilaw.
Akay niya sa kaliwang balikat ang isang maduming sakong samu’t sari ang laman, at ang ulong sinasandalan nito ay tumatagaktak ang pawis. Malayo ang tingin ni Dodong habang pinapakiramdaman ang pagkalam ng sikmura nito, nang biglang isang pamilyar na boses ang tumawag ng kanyang atensyon.
“Oy, Dodong! ‘Di ka pa tapos dire?”
“Ala e hindi pa ‘padre! Aba’y hindi pa nga tapos ito.”
“O siya, e ikamusta mo na lang ako sa mga bata, a!”
Isang ngiti ang gumuhit sa mga labi ni Dodong habang patuloy ang kanyang paglalakad. “Ang mga bata,” kanyang nabigkas. “Pumatak lang ang alas singko at maibenta ko lang dine…”
Sa kanyang patuloy na paglakad ay napadpad na nga siya sa lawang ibinilin sa kanya ng Itay, na sa mga oras na iyon ay sadyang dinudumog na ng mga turista. At sa pagdayo ng mga turista, kasama din ang pagdayo ng mga samu’t-saring plastic, botelya, papel, at kung anu-ano pang mga pamilyar na materyales na nilalaman na rin ng kanyang munting sako.
“Mahaba pa ang araw na ito,” ani ni Dodong habang binababa ang sako. Kakaibang grupo ng mga turista ang napansin ni Dodong na dumayo sa araw na iyon, mga tipong nakikita lamang ni Dodong sa mga teleseryeng sinusubaybayan ng panganay niyang babae.
“Oh my gosh, it’s so ganda naman here!”
“Oo nga eh, saka buti na lang the lake isn’t polluted! Yung pinuntahan namin nila Mommy nung nakaraan, it was so dirty eh, I don’t even know how it became such a popular tourist destination!”
Isang malakas na tibok sa dibdib ang naramdaman ni Dodong nang marinig iyon. Hindi man ito bihasa sa Ingles, naintindihan niya ang pagkamangha ng mga turista. At sa isang iglap ay tila narinig niya ang ibinilin sa kanya ng Itay sampung taon na ang nakalipas.
“Mabigat na responsibilidad itong dinadala natin, Dodong,” mariin na ani ng Itay. “Huwag kang umasa na sasambahin ka. Kung ano man, ang tingin nila sa atin ay tila ihip ng hangin lamang—dadaan, lilipas, minsan mararamdanan, minsan hindi. Pero isang bagay ang totoo: andito lang tayo. At kailangan nila tayo—kung hindi ng ibang tao, ng lawa.”
Sa araw-araw na pangangalaga ni Dodong sa Lawang Pandin, tila ba’y hindi nito napansin na sampung taon na pala ang lumipas. Ngunit hindi kumupas ang kanyang adhikain para sa lawa. Ang responsibilidad na tuparin ang adhikain na ito’y minana niya pa sa Itay. At ang Itay, minana sa kanyang lolo, at ang lolo, sa mga nunu-nunuan.
At sa saglit na iyong nakaharap siya sa lawa, naramdaman ni Dodong ang pagkaliit niya—isang natatanging mortal bitbit ang kanyang munting sako. Habang sa harap niya ay isang matandang lawa na nakakabighani sa laki, at nakakahiwaga sa ganda. Ang Lawang Pandin—ang pinangakuan ng angkan nilang pangalagaan.
Pagdating ng panahon ay lilipas din siya at malilimutan—parang isang ihip ng hangin. Samantalang ang matandang lawa ay makakasama pa ang susunod na mga henerasyon niya.
Sa isang malalim na buntong hininga, naibigkas na lamang ni Dodong sa sarili, “Aba’y hindi pa nga tapos ito.”