Maniwala ka, nakikita kita
Diba’t araw gabi kang parang lumalaban sa gera?
ITINATANGI kong Bangkera, alam mo bang nakikita kita?
Marahil higit pa sa puna ng sarili mong mga mata
Dama ko ang bisig mo noong binubuo pa lamang ang samahang minsa’y para lamang sa kalalakihan
Lasap ko ang kalingang walang panghihinayang mong inilalatag sa hapag-kainan
Langhap ko ang simoy ng hanging pilit mong pinoprotektahan mula sa alikabok ng lipunan
Dinig ko ang himig mong waring naglalathala ng pamana mong karunungan
Itinatangi kong Bangkera, hayaan mong iguhit kita bilang isang Katipunera—
Diba’t araw gabi kang parang lumalaban sa gera?
Lumalaban sa esteryotipikong pagmamaliit sa lipon ng iyong lahi
Lumalaban para sa mas maginhawang bukas ng bawat kasapi
Nilalabanan ang tadhanang kinagisnan at tumatanaw sa mas masaganang kapalaran
Maniwala ka, nakikita kita
Marahil ay higit pa sa nakikita ng sarili mong mga mata
Kaya’t kung minsan dama mo ang pangungulila sa sarili mong presensya
Saglit kang lumingon sa inuusad mong balsa
Nandito ako, tumitingala sa bawat kabig mo sa lubid
Nandito ako, nagmamasid sa lakas ng iyong bisig
Nandito ako at nakikita ko ang bawat mong ambag sa labas ng balsa
Itinatangi kong Bangkera, Katipunera, nakikita kita.
Georgette Fugnit
2 years ago*clap* *clap*
Bebot de Guia
2 years agoBrief and neat.